Friday 23 February 2018

Erich, willing to work with Lovi again despite the slapping incident



By Archie Liao


Kung may isang bagay mang maipagmamalaki mo kay Erich Gonzales, ito ay ang kanyang pagiging real trouper. Kung ang ibang artista na nakaranas masaktan sa set ay matra-trauma na dahil sa nangyaring sampalan incident nila ni Lovi Poe, ibahin mo si Erich. Ayon pa sa aktres, willing pa rin siyang makatrabaho si Lovi.


“Of course, willing akong makatrabaho siyang muli. Lovi and I are super okey,” sey niya. “Si Tom also, first ko siyang nakatrabaho and hopefully, hindi ito ang last. Siyempre, gusto kong makatrabaho ang iba’t ibang artista kahit na iyong nasa ibang networks,” pahabol niya. 

Aminado naman siya na intense actress siya na minsan ay nadadala sa kanyang karakter. “Kapag kasi nakarinig ka na ng “Action”, hindi na ikaw iyong umaarte. You lose yourself. You become the character. So minsan, hindi talaga maiiwasan na magkasakitan lalo na kung ang mga eksena ay intense,” paliwanag niya. 

Dagdag pa ni Erich, gusto raw niyang pagbutihin pa ang kanyang craft bilang artista. “Everyday naman is a continuous learning process. Basta sabi ko, keep on learning, adapt and keep evolving. To be part of this industry, goal ko kasi ang longevity in this business, so I always give my best shot,” aniya. Nilinaw naman ni Erich na hindi siya nag-walk out sa kalagitnaan ng premiere ng “The Significant Other” kamakailan. “I have taping kasi,” pakli niya. 

Ang tinutukoy ni Erich ay ang kanyang teleseryeng “The Blood Sisters” na pinagbibidahan niya kung saan tatlo ang kanyang ginagampanang karakter. “Madugo siya kasi I get to portray three different characters, so iyong preparation ko ay talagang madugo rin,” hirit niya. “Pero, very challenging siya dahil it’s my first time to do this kind of roles,” dugtong niya. 

Sinabi rin niya na hindi naman siya nalilito sa pag-tackle sa mga character nina Erika, Agatha at Carrie sa nasabing Dreamscape teleserye. “Siguro, it’s just the proper focus lang at malinaw sa iyo ang character sketch ng bawat isa,” pahayag niya. Iginiit naman niya na mananatiling idol o lodi niya ang co-star na si Lovi Poe. “Siya pa rin ang idol ko pagdating sa kanyang diligent workouts. Perfect fitspiration kasi ang kanyang figure. And I’m really happy to be given the chance to work with her kasi, bihirang mangyari iyon kasi nga, we’re connected with different networks. 

Sa mga eksena namin sa movie, magkaaway kami, laging galit sa isa’t isa, but off cam, masaya kami,” tsika niya. Nali-link siya sa non-showbiz guy na si Mateo Lorenzo pero wala raw siyang aaminin ukol dito. “I remain single . Ang dami kong trabaho right now, so I don’t think I’m ready na pumasok sa isang bagong relationship. Trabaho talaga ang siyang only priority ko ngayon. Love can wait, but the opportunities coming my way cannot. They are great blessings, so sa career muna po ako. I believe naman that in God’s perfect time, mangyayari rin 'yung magkaroon ako ng bagong lovelife, but I will make sure muna na kilalang-kilala na namin talaga ang isa’t isa before I commit again,” pagtatapos niya. 

Ginagampanan ni Erich ang role ni Nicolodia, isang probinsyana na nangarap na maging sikat na modelo na sa kasamaang palad ay naging kabit ng isang cosmetic surgeon na may asawang high profile fashion model sa “The Significant Other”. Bukod kina Tom at Lovi, tampok din dito sina Dina Bonnevie at Snooky Serna.



No comments:

Post a Comment